Hiniling ni Overseas Filipino Worker (OFW) Party-List Representative Marissa ‘Del Mar’ Magsino na madagdagan ang budget ng Department of Transportation (DOTr) na nakalaan sa MRT-3 beep cards para hindi ito kulangin.
Sa budget hearing ay inusisa ni Magsino kung bakit nagkakaroon ng shortage ng supply ng Stored Value Cards (SVCS) o beep cards na nagdudulot ng abala sa mga mananakay ng Metro Rail Transit.
Paliwanag naman ni Assistant Secretary Jorjette Aquino na namumuno sa MRT-3, hindi na sapat ang pondong nakalaan para sa SVCS.
Binanggit ni Aquino na noong 2018 ay mayroong budget para sa 450,000 cards subalit bumaba ang allocation noong 2023-2024 na sapat na lamang sa 200,000 cards.
Ayon kay Aquino, ito ang dahilan kaya hindi natutugunan ng supply ng SVCS ang demand lalo na’t ang average na bilang ng mga pasahero ng MRT-3 araw-araw ay umaabot sa 450,000.
Kaya naman giit ni Magsino, iprayoridad ito para sa kapakinabangan ng mga pasahero ng MRT-3 na karamihan ay pangkaraniwang mamamayan na umaasa sa pampublikong transportasyon.