Pinag-aaralan na ng House Committee on Ways and Means ang pagpapataw ng mas malaking buwis sa luxury items katulad ng mga mamahaling relo, bag, leather items, private jets, luxury cars, at paintings.
Inihayag ito ni Albay 2nd district Representative Joey Sarte Salceda bilang tugon sa panawagan ng international organization na Oxfam International sa ating gobyerno na dagdagan ang kinokolektang buwis sa mga mayayaman.
Ayon sa Oxfam, nararanasan ang inequality o hindi pagkakapantay-pantay sa Pilipinas kung saan mas malaki pa ang kayamanan ng siyam na pinakamamayamang Pilipino kumpara sa pinagsama-samang kayamanan ng kalahati ng populasyon ng bansa o ng 55 milyong mga Pilipino.
Sang-ayon si Salceda sa nabanggit na pahayag ng Oxfam pero kanyang ipinaliwanag na hindi makakabuti kung tataasan ang buwis sa mga mayayaman.
Katwiran ni Salceda, baka lumayo sa ating bansa ang mga mayayaman at hindi ito makakabuti.
Diin ni Salceda, mas mainam na manatili sa atin ang pera ng mga mayayaman upang gumastos din sila para sa development ng ating bansa.