Mas malaking kompensasyon para sa pamilya ng nawawalang seaferer ng MV Tutor, isinusulong ng OWWA

Isinusulong ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mas mataas na kompensasyon para sa pamilya ng nawawalang marino.

Ayon kay OWWA Administrator Arnell Ignacio, nakikipag-ugnayan na rin sila sa manning agency ng nawawalang seafarer ng Liberian-flagged bulk carrier MV Tutor na inatake ng Houthi noong nakaraang buwan.

Dagdag pa ni Ignacio, nakapagbigay na ng tulong-pinansyal ang ahensiya sa pamilya ng nawawalang seafarer nang bisitahin ang kanilang tanggapan.


Ang pamilya aniya ay tumanggap na ng ₱220,000 financial assistance at inaayos na rin ng OWWA ang scholarship para sa bunsong anak ng seafarer na malapit nang mag-18 taong gulang.

Una nang nakabalik sa Pilipinas ang 21 tripulanteng sakay rin ng naturang barko noong Hunyo 17 at idineklara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang natitirang seafarer na “missing.”

Lumubog naman noong Hunyo 18 ang naturang barko ngunit hindi pa makumpirma ang pagkamatay ng nawawalang marino at pinalawig pa ang search operation upang matunton ang natitirang Pinoy crew member.

Facebook Comments