Mas malaking multa sa mga abogadong sangkot sa raket na ‘Demanda Me’, hiniling ng DOJ sa Senado

Hiniling ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa Senado na magpataw ng mahigpit na parusa laban sa mga abogado na sangkot sa “Demanda Me” system na ginagawa ng mga foreign nationals.

Sa budget hearing ng Senado para sa 2024 ng Department of Justice (DOJ), tinalakay ang tungkol sa “Demanda Me” system kung saan nagbabayad ang mga dayuhan sa mga abogado dito sa bansa para sampahan ang mga sarili ng kaso.

Ginagawa ito ng mga foreign national para magtagal pa ang pananatili nila sa Pilipinas at hindi mapa-deport.


Ayon kay Remulla, may batas tayo na hindi pwedeng i-deport ang isang dayuhan habang may kaso sila.

Nahalata aniya nila ang raket na ito nang mapansin na kalahati sa mga nakakulong na dayuhan ay mismong sila ang nagpapasampa ng kaso sa kanilang mga sarili.

Karaniwan din aniya ng kasong ipinapasampa ng mga foreign nationals sa kanilang mga sarili ay VAWC o violence against women and children.

Inihalimbawa ni Remulla ang isang Japanese na na-dismiss ang kaso matapos magpasampa ng VAWC sa kanyang nobya na madalas namang dumadalaw at nagbebeso-beso pa.

Dahil dito, umapela ang kalihim na kung magkaroon ng batas na kung saan maaaring i-waive ang mga kaso para mapaalis na ng bansa ang mga dayuhan o kaya ay makabuo ng isang batas na magpapataw ng malaking multa sa mga abogadong sangkot sa ‘demanda me racket’ na nag-a-assist sa ginagawang ito ng mga dayuhan.

Facebook Comments