Manila, Philippines – Asahan na ang mas malaking refund sa residential customers ng MERALCO.
Imbis kasi na P0.75 kada kilowatt hour (kwh), sinabi ni Larry Fernandez, head ng utility economics ng MERALCO, na posibleng maging P0.79 kada kwh ang refund para sa singil sa kuryente sa mga buwan ng Hunyo, Hulyo, at Agosto.
Nabatid na natanggap na ng MERALCo ang utos ng korte na ibalik sa consumers ang P6.9 bilyong sobrang nakolekta sa nakalipas na tatlong taon.
Paliwanag naman ni Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng MERALCO, hindi naman sinadyang sobra ang nasingil sa consumers noon.
Paalala ni Zaldarriaga, walang hiwalay na item kung saan ilalagay ang refund ng kada consumers dahil sa iba ibang component ng bayarin ang babawasan.
Kasabay nito, umapela ang MERALCO na bigyan pa sila ng hanggang dulo ng 2018 para matapos ang refund.
Bukod kasi sa pinakahuling refund na papatak sa June billing, hindi pa rin nakukumpleto ng MERALCO ang naunang refund na ipinag-utos Ng Korte Suprema noong taong 2003 na ipinagbawal na ipasa sa consumers ang kanilang income tax.
Dahil dito, pinabalik sa MERALCO ang p33 bilyong halaga ng koleksiyon pero hanggang ngayon 820,000 customers pa rin ang hindi nakakatanggap ng refund na tinatayang nasa P4.7 bilyon pa.
Posible namang ipasok sa kaban ng gobyerno ang P4.7 bilyon kung wala na talagang magke-claim ng refund.
DZXL558