
Asahan na ang mas malalimang imbestigasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga tinaguriang ghost at substandard flood control projects sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, malinaw na may nasa likod ng anomalya ng ilang opisyal at contractor lalo na’t may pattern na maituturing sa operasyon.
Aniya, ilan dito ay ang pagsisimula sa mabilis na bidding, agarang pag-award ng proyekto, sabay na pagbibigay ng notice to proceed, at mabilis ding paglalabas ng bayad.
Giit pa ng kalihim, halos magkakasunod na araw isinasagawa ang mga transaksyong ito, bagay na kahina-hinala at nagpapakita ng iregularidad.
Dagdag ni Dizon, umabot na sa mahigit 100 reklamo at ulat ang natanggap ng DPWH kaugnay ng mga proyektong hindi natapos o substandard ang kalidad.
Tiniyak niya na hindi ito palalampasin at agad na sasampahan ng kaso ang mga sangkot sa anomalya at korapsyon.









