Nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian ng mas malalim na imbestigasyon tungkol sa nagpapatuloy pa rin na iligal na operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa bansa sa kabila ng direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na total ban ng mga POGO.
Kaugnay na rin ito ng pagkakaligtas ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa mahigit 160 na foreign nationals matapos salakayin kamakailan ng mga awtoridad ang POGO Hub sa Lapu-Lapu City sa Cebu.
Ayon kay Gatchalian, ang pagkakatuklas sa mga tumakas na empleyado ng POGO sa Bamban at Porac sa ni-raid na POGO sa Cebu ay nagbibigay suhestyon na mababaw pa lang ang isyung hinihimay ng Senado.
Nangangailangan na aniya ng mas malalimang pagsisiyasat lalo’t may ilang POGO operators at agents ang patuloy na humahamak sa ating batas sa pamamagitan ng paglipat ng kanilang mga iligal na aktibidad mula sa isang lugar papunta sa ibang lokasyon.
Iginiit pa ni Gatchalian na kailangan na ng striktong pagpapatupad at mas komprehensibong hakbang upang matiyak na ang mga operasyon ng POGO ay permanenteng mapapatigil na sa bansa.
Dagdag pa ng senador, kailangan dito ng pagtutulungan ng mga Law Enforcement Agencies, Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), at lokal na pamahalaan para tuluyang masawata ang mga iligal na aktibidad ng POGO at matiyak ang pagtalima sa direktiba ng gobyerno.