Hiniling ni Magsasaka Partylist Representative Argel Cabatbat ang mas malawak na imbestigasyon sa pagkalat ng African Swine Flu (ASF) sa bansa.
Ito ay matapos makapasok sa Mindanao ang ASF at nagkasakit na ang nasa 100,000 baboy sa Davao Occidental.
Tiniyak ni Cabatbat na kikilos ang Kamara para sa malawakang imbestigasyon sa ASF kung saan sisilipin ang ginamit na pamantayan ng mga ahensya ng pamahalaan para mapigilan ang pagkalat ng sakit sa mga livestock.
Siniguro rin ng kongresista ang pagpapanagot sa mga opisyal na nagpaabaya sa kanilang tungkulin na mapigilan ang paglala ng sitwasyon ng ASF sa bansa.
Inirekomenda rin ni Cabatbat ang agad na paglalaan ng pondo para sa mga maliliit na hog farmers sa bansa na apektado ng ASF.
Nauna nang nagsagawa ng imbestigasyon ang Kamara sa disease outbreak na ito at dito ay nangako ang mga kinauukulan na hindi makakalabas ng Luzon ang ASF at hindi lalawak ang pinsala sa kabuhayan ng hog raisers na kabaligtaran aniya sa nangyayari ngayon.