
Pinalakas ng pamahalaan ang transparency sa mga proseso ng pagbili at kontrata ng pamahalaan matapos ilunsad ang modernized Open Data Portal ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
Layon nito na gawing mas bukas at mas madaling ma-access ng publiko, mga ahensiya ng gobyerno, civil society groups, at mga mananaliksik ang impormasyon tungkol sa mga proyekto at procurement ng gobyerno.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, sa tulong ng pinalakas na Open Data Portal, makikita na ng publiko ang buong proseso ng procurement mula bidding, mga lumahok, hanggang sa kung kanino napunta ang kontrata.
Sabi ng kalihim, ang hakbang na ito ay nagpapakita ng hangarin ng DBM na palakasin ang tiwala ng taumbayan sa pamamagitan ng bukas na impormasyon kung saan napupunta ang pera ng bayan.
Bukod diyan, madali na ring matukoy ang mga red flags, pattern, at performance ng mga na-award na kontrata para mas mapabilis at mapabuti ang procurement system ng pamahalaan.
Ang enhanced Open Data Portal ay bahagi ng pagpapatupad ng New Government Procurement Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang taon.









