Bahagyang nakatulong sa Philippine General Hospital (PGH) ang dalawang linggong Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila.
Pero ayon kay PGH Spokesperson Dr. Jonas Del Rosario, napansin nila na pagkatapos ng MECQ, mas malulubhang kaso ng COVID-19 ang naa-admit ngayon sa ospital.
Dahil dito, halos puno lagi ang intensive care unit (ICU) ng PGH para sa mga severe at critical COVID-19 cases kaya hindi na rin sila nakakatanggap ng pasyente mula sa ibang pagamutan.
Simula Marso hanggang kahapon, umabot na sa 1,366 ang total COVID-19 admission ng PGH kung saan 15% o 221 dito ang namatay.
Samantala, nagsisimula na rin aniyang dumagsa muli sa ospital ang non-COVID patients.
Kaugnay nito, umapela ang PGH sa Department of Health (DOH) ng dagdag na nurses at technician.
“Naghihintay po kami ng augmentation from DOH. Siguro malaking bagay kahit mga 30 to 40 additional nurses and technicians,” ani Del Rosario sa interview ng RMN Manila.
Hinimok din ni Del Rosario ang iba pang healthcare workers na hindi pa nakakaalis ng bansa na ikonsidera munang magtrabaho at tumulong sa Pilipinas sa gitna ng pandemya.
“We’re hoping po na yung mga hindi pa naman nakakaalis o yung iba na wala pa namang clear na pupuntahan, i-consider muna po sana nilang magtrabaho dito sa ating bayan at tulungan muna tayo sa problema na ‘to. Bayanihan na e. Kasi sino-sino pa ba ang magtutulungan, di ba tayo-tayo rin,” apela ni Del Rosario.