Tila hindi pa rin ga-graduate ang National Capital Region (NCR) sa General Community Quarantine (GCQ) status nito pagkatapos ng July 15, 2020.
Hindi man direktang sinabi pero hindi kasama sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na mas luwagan pa ang quarantine restrictions sa Metro Manila dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, magkakaroon muli ng pulong bukas ang IATF para sa apela ng ilang Local Government Units (LGUs) hinggil sa kanilang quarantine classification at sa Miyerkules, July 15, 2020, i-aanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panibagong quarantine classifications sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Paliwanag pa ni Roque, ang mga datos na ang nagsasabing hindi parin maaaring luwagan ang quarantine protocols sa Metro Manila.
Sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH) pumalo na sa 56,259 ang confirmed COVID-19 cases sa bansa matapos makapagtala ng karagdagang 2,124 na kaso, 16,046 ang nakarekober habang 1,534 naman ang naitalang nasawi.