Cauayan City, Isabela- Higit 30 katao ang naitalang nagpositibo sa COVID-19 mula sa mahigit 1,000 na nasuri ng Philippine Red Cross (PRC) Isabela noong kasagsagan ng pagbaha sa Cagayan at Isabela nitong Disyembre hanggang Enero ngayong taon.
Ayon kay Stephanie Cabrera, PRC Isabela Administrator, mas malaki ang bilang ng nagpositibo ngayon kung ikukumpara sa nasuri noong Nobyembre 2020 na umabot sa higit 2,000 at 16 lang ang nagpositibo dito.
Aniya, mas mataas ang bilang ng tinamaan ng virus pagkalipas na ipagdiwang ang kapaskuhan at bagong taon.
Kaugnay nito, nakakapagsuri ng higit 70 katao ang PRC kada araw kaya’t hinihimok ang publiko na magpasuri kung may hindi magandang nararamdaman sa katawan.
Bukas 24/7 ang PRC Molecular Laboratory para sa mga nagnanais magpasuri na matatagpuan lamang sa DRRM Complex malapit sa kapitolyo ng Isabela o mangyaring tumawag sa kanilang hotline (0917-323-1615/078-307-1836).