Inaasahan na mas marami pang testigo sa imbestigasyon sa Degamo case ang haharap ngayong araw sa Senado.
Ayon kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, nasa dalawang pahina na ang listahan ng mga tetestigo ngayon at lahat ng mga ito ay pagbibigyang magsalita sa pagdinig.
Una munang magsasagawa ang Committee on Public Order and Dangerous Drugs ngayong alas-otso ng umaga ng executive session at pagsapit ng alas-nuebe ng umaga ay saka didiretso sa public hearing.
Samantala, inamin ni Dela Rosa na patuloy na tumatawag sa kanya si suspended Cong. Arnie Teves pero hindi niya ito sinasagot.
Sinabi ni Dela Rosa na kahit kaibigan niya si Teves ay break muna sa komunikasyon dahil patuloy ang kanyang komite sa imbestigasyon sa kongresista at ayaw niyang mabahiran o mapagdudahan ang pagdinig.