Umaasa ang Public Employment Service Office (PESO) ng Caloocan na mas marami pa nilang residente ang magkakatrabaho na sa isinasagawang mega job fair katuwang ang DZXL 558 Radyo Trabaho.
Ginaganap ang mega job fair sa Caloocan City Sports Complex na nagsimula ng alas-8:00 ng umaga at magtatagal ng alas-4:00 ng hapon.
Nasa higit 5,000 bakanteng trabaho ang maaaring aplayan mula sa 53 inimbitahang kompanya.
Ayon kay Ginang Beng Gonzales, PESO Manager ng Caloocan na ito na ang ika-walong mega job fair na kanilang isinagawa ngayong taon.
Kaugnay nito, nagpapasalamat naman si Caloocan City Mayor Along Malapitan sa DZXL 558 Radyo Trabaho sa suportang ipinagkakaloob natin sa mga programa at proyekto na isinasagawa ng kanilang pamahalaang lungsod.
Sa kasalukuyan, nasa higit 40 aplikante ang na-hire on the spot sa nagpapatuloy na job fair.