Mas maraming basura ang napadpad ngayong araw sa paligid ng dalampasigan ng Manila Bay at Dolomite Beach sa lungsod ng Maynila.
Ito’y dahil sa magkakasunod na araw ng pag-uulan sa lungsod bunsod ng habagat.
Nagtutulong-tulong ang mga tauhan ng Manila Department of Public Service (DPS), MMDA at Department of Environment and Natural Resources (DENR) para hakutin ang mga nagkalat na basura at halaman.
Nabatid na dahil sa sunod-sunod na na pag-uulan sa lungsod ng Maynila, sangkaterbang mga basura’t halaman ang inanod sa dalampasigan ng Manila Bay at Dolomite beach.
Ang ilang bahagi ng Dolomite Beach ay lubog pa rin sa tubig kung saan natatabunan na rin ito ng basura dahil sa lakas ng alon dulot ng pag-uulan kung saan posibleng muli itong masira at ang mga artificial na buhangin ay maaaring anurin papunta ng Manila Bay.
Sa kasalukuyan, patuloy na nililinis at hinahakto ang mga basura kung saan magtutungo naman si MMDA Chairman Benhur Abalos sa mga flood control facilities at mga binahang lugar sa Maynila.
Partikular na iinspeksyunin ni Abalos ay ang San Andres pumping station sa Sta. Ana, Manila at sa may Baywalk area sa Roxas Boulevard.