Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Maynila na mas maraming pasyenteng tinamaan ng COVID-19 na nananatili sa anim na district hospital ang hindi pa nababakunahan.
Sa inilabas na datos ng Manila LGU, nasa 626 ang kabuuang bilang ng pasyente sa mga district hospital na pawang tinamaan ng COVID-19.
Sa nasabing bilang, 195 ang fully vaccinated, 122 ang partially vaccinated at 309 ang hindi pa nababakunahan.
Partikular na may mataas na bilang ng mga positibong pasyente na hindi pa nababakunahan ay nananatili sa Manila Covid Field Hospital na nasa 113.
Nasa 74% na rin ang bed occupancy sa mga district hospital kung saan nasa 100% na ang occupancy rate sa Ospital ng Sampaloc habang 111% naman ang Ospital ng Tondo.
Umabot na sa 21% ang bed capacity sa mga quarantine facility habang 87% na o nasa 300 ang okupadong kama mula sa 344 na inilaan sa Manila COVID Field Hospital.