Inaasahang darating sa bansa ngayong taon ang mas maraming supply ng COVID-19 vaccines.
Ayon kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., inaasahang pipirma ang pamahalaan ngayong araw ng kasunduan sa British biopharmaceutical firm na AstraZeneca para sa humigit-kumulang 20 milyong doses ng bakuna.
Magiging tripartite agreement ito sa pagitan ng national government, Local Government Units (LGU) at ng vaccine manufacturer.
Sa ilalim nito, responsibilidad ng mga LGU na magsagawa ng pagpapabakuna na may koordinasyon sa Department of Health (DOH), habang ang national government ang mangangasiwa ng cold chain requirement at iba pang supplies para sa immunization.
Ang Pilipinas ay nakapag-secure ng 30 million doses ng Covovax vaccines at karagdagang 25 million doses ng Sinovac ng China na inaasahang darating ngayong taon.
Nagpapatuloy naman ang negosasyon sa iba pang vaccine makers gaya ng Pfizer, Moderna at Johnson & Johnson.
Plano ng gobyerno na bumili ng 148 million doses ng COVID-19 vaccines ngayong taon para mabakunahan ang 50 hanggang 70 milyong Pilipino para maabot ang herd immunity.