Naniniwala ang lokal na pamahalaan ng Taguig na mas marami pang estudyante ang makikinabang sa kanilang Lifeline Assistance for Neighbors In-need Scholarship Program.
Nabatid na bukod sa mga estudyante sa lungsod kasama na rin sa programa ang mga nasa EMBO barangay.
Sa abiso ng Taguig LGU, hindi magiging limitado sa 10% ng graduating class ang alok na scholarship kumpara sa Makati City bagkus bukas ito sa lahat ng year levels hanggang sa nagrerebyu ng licensure examinations at post graduate studies.
May honor man o wala… ang mga high school graduates ay maaring mag-apply ng P15,000 hanggang P50,000 kada taon.
Nasa P40,000 hanggang P50,000 naman kada taon sa mga gustong mag-aral sa premier colleges at universities kung saan P15,000 sa mga gustong kumuha ng technical at vocational courses.
May assistance din para sa mga nagrerebyu ng board at bar exams maging sa mga kumukuha ng Masters’ at Doctoral Degrees bukod pa ang Thesis and Dissertation Grant.
Matatandaan naman na ilang araw bago ang pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan, handa na ang mga estudyante ng Taguig kasama ang mga nasa sampung EMBO barangays.
Halos natapos na rin ang pamamahagi ng school packages sa mga estudyante kung saan pinangunahan ni Mayor Lani Cayetano ang pamamahagi nito.