
Kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may kasunduan na ang Pilipinas at India para palawakin ang seguridad at presensya ng India sa West Philippine Sea, kabilang ang mas madalas na joint naval exercises.
Ayon kay Pangulong Marcos, bago pa man siya umalis ng Maynila, nagsagawa na ng pagsasanay ang dalawang barko ng India at dalawang barko ng Pilipinas, at tiyak aniyang masusundan pa ito matapos ang kaniyang pagbisita sa India.
May polisiya na ang India na mas maging aktibo sa rehiyon, bilang bahagi ng mas malawak na “Indo-Pacific” strategy.
Pero ayon pa sa Pangulo, hindi dapat limitado sa depensa at seguridad ang kooperasyon, kundi dapat ding isama ang pagpapalakas ng ekonomiya at kalakalan bilang mahalagang bahagi ng pambansang seguridad.
Bukod din aniya sa sa bilateral drills, target din ng dalawang bansa ang mas malawak na multilateral exercises kasama ang iba pang bansang kasapi sa Indo-Pacific region.









