Umaasa si Deputy Speaker Benny Abante na mas marami pang lider sa bansa ang kikilala sa negatibong epekto ng online gambling.
Ito ay makaraang aminin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi maganda ang ginawang pagpayag niya noon sa mga online cockfighting operations dahil nagdulot lamang ito ng gulo at sakit sa lipunan lalo na sa pagkakawatak-watak ng mga pamilya.
Naniniwala si Abante na ang pagkilala ng Pangulo sa ‘adverse impact’ ng e-sabong ay makakakumbinsi ng iba pang lider para suriin ng mga ito ang kanilang mga posisyon laban sa online gambling.
Tulad aniya ng kanyang mga pahayag, ang negatibong epekto sa sugal ay maayos na naidokumento ngunit ang “online gambling” ay higit na nakakabahala dahil ang nasabing bisyo ay mas madaling ma-access ng mas malawak na populasyon.
Magkagayunman, kahit pa tiniyak ni President-elect Bongbong Marcos Jr., na ipagbabawal sa ilalim ng kanyang administrasyon ang e-sabong, hindi dapat isantabi na mayroon pa ring mga malalaking negosyante ang mamimilit na ituloy ang operasyon dahil sa malaking kita na mawawala rito.
Umapela si Abante ng isang “national conversation” o pambansang paguusap patungkol sa online gambling upang nang sa gayon ay magbalangkas at magpatibay ng lehislasyon na magre-regulate ng husto o kaya naman ay tuluyang magbabawal dito.