Nananawagan si Senador Risa Hontiveros sa Department of Transportation o DOTr na payagan nang bumyahe ang mas maraming tradisyonal na bus at jeepney sa National Capital Region (NCR) at ilang ruta sa probinsiya.
Diin ni Hontiveros, dapat itong gawin upang matiyak ang kaligtasan ng mga commuter kahit na pansamantala lamang at hindi nadidiskaril ang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.
Ipinaliwanag ni Hontiveros na ang siksikang pampublikong transportasyon ay COVID superspreader.
Ang panawagan ni Hontiveros ay kasunod ng pag-alis ng curfew sa Metro Manila dahil sa pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 at pag-taas sa 70% ng kapasidad ng pampublikong transportasyon.
Ayon kay Hontiveros, mahalagang maging sapat ang bilang ng mga PUV upang maiwasan ang mga pasahero na magdikit-dikit sa loob ng sasakyan.