Mas mataas na allowance para sa mga tanod at opisyal ng barangay, isinulong sa Kamara

Inihain nina Tingog Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre ang House Bill No. 2349 para ma-amyendahan ang Local Government Code.

Ito ay para maitaas ang allowance para sa mga opisyal ng barangay, kasama ang mga tanod, dahil hindi na ito angkop sa kasalukuyan at malayo sa regional minimum wage level.

Tinukoy sa panukala na sa loob ng mahigit isang dekada ay nananatiling nakapako sa ₱1,000 kada buwan ang tinatanggap na honorarium ng punong barangay at ₱600 naman para sa sangguniang barangay member, barangay treasurer at barangay secretary.


Base sa panukala, itataas sa ₱3,500 ang buwanang allowance para sa punong barangay at gagawing ₱2,500 naman ang para sa iba pang opisyal ng barangay kasama ang mga tanod.

Layunin din ng panukala nina Romualdez at Acidre na mabigyan rin ng prayoridad ang pag-professionalize sa pagre-recruit ng mga manggagawa sa lokal na pamahalaan katulad ng mga opsiyal ng barangay.

Facebook Comments