Mas mataas na alokasyon, dapat ilaan sa mga magsasaka kasabay ng pagsuspinde ni PBBM sa importasyon ng bigas

Para kay House Minority Leader at 4Ps Partylist Rep. Marcelino Libanan, mainam at napapanahon ang utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suspendehin ang importasyon ng bigas.

Ayon kay Libanan, magbibigay ito ng malaking kaluwagan sa mga magsasaka na napupwersang ibenta ang kanilang aning palay nang palugi o P8 hanggang P10 kada kilo na mas mababa sa kanilang production cost.

Pero giit ni Libanan, dapat itong sabayan ng paglalaan ng mas malaking alokasyon para sa mga magsasaka sa ilalim ng 2026 National Budget.

Diin ni Libanan, mahalaga ang patuloy na suporta ng gobyerno sa ating mga magsasaka para mapalakas ang lokal na produksyon ng bigas.

Ayon kay Libanan, pangunahin na dapat mamuhunan ang pamahalaan sa irigasyon, farm mechanization, post-harvest facilities, access sa abot-kayang pautang, at patas o makatwirang mekanismo sa pagtatakda ng farmgate price.

Facebook Comments