Itinutulak ni Senator Robinhood Padilla sa Senado ang mas mataas na bayad-danyos sa mga mabibiktima ng maling pagaresto at pagkakakulong dahil sa “mistaken identity”.
Inihain ni Padilla ang Senate Bill 2547 o ang Mohammad Said Act kung saan tinukoy nito ang kaso ng pagkakaaresto at pagkulong noong 2023 sa 62 anyos na si Mohammad Maca-antal Said dahil sa mistaken identity at ngayon lamang Pebrero pinalaya.
Sa ilalim ng panukala ay inaamyendahan ang Section 3 ng Republic Act 7309 kung saan ipinasisingit sa probisyon ng batas ang mga taong hindi makatwirang nabilanggo dahil sa mistaken identity sa mga maaaring maghain ng claims o kabayaran.
Isinusulong naman na hindi bababa sa ₱10,000 sa kada buwan ng pagkakakulong ang kompensasyon ng mga mabibiktima ng unjust imprisonment o detention.
Pinatitiyak ni Padilla na sinumang indibidwal na makukulong dahil sa mistaken identity ay dapat na mabayaran ng halaga na katumbas ng tagal ng kanilang detensyon.