Ipinatutupad na ang mas mataas na elebasyon para sa mga itatayong gusali sa bagong aprubadong ordinansa ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan bilang tugon sa suliranin sa pagbaha sa lungsod.
Noong Pebrero 6, ipinasa ang Draft Ordinance No. 0-011-2026 na naglalayong gawing flood-resilient ang mga bagong istruktura sa lungsod.
Sa ilalim ng ordinansa, lahat ng bagong residential, commercial, institutional at mixed-use buildings ay kinakailangang may Finished Floor Elevation (FFE) na hindi bababa sa isang metro at mas mataas kumpara sa opisyal na sukat ng kalsada.
Saklaw din ang mga subdivision, housing projects, business development at malalaking reservations sa nasasakupan ng lungsod.
Samantala, hindi saklaw ng ordinansa ang mga nauna nang naitayong gusali maliban na lamang kung isasailalim sa major renovation ang istruktura.
Kaugnay nito, hindi umano maglalabas ng mga permit at Certificate of Occupancy kung walang patunay na ang gusali ay tumupad sa ordinansa.
Maaari ring patawan ng administrative fines ang lalabag alinsunod sa ordinansa.








