Pinatataasan ni Senador Imee Marcos ang ‘cash subsidy’ para sa mga lokal na pamahalaan sa lalong madaling panahon, sa harap ng patuloy na pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Para kay Marcos, ito ang mas mabilis na gawin kaysa suspendihin ang mga excise tax o buwis sa langis na daraan pa sa mas mahabang proseso ng pagsasabatas.
Pahayag ito ng opisyal, makaraang tanggihan ng mga economic manager ng bansa ang panawagan na suspendihin na muna ang mga buwis sa langis at iginiit na malulugi o mawawalan ang pamahalaan ng P131 billion na kita na magdudulot ng pagbagal sa pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas.
Naniniwala si Marcos na posibleng hindi tumagal ang mga subsidiya sa langis at mga calamity fund dulot ng hindi matapos-tapos na giyera ng Russia at Ukraine at bantang parusa ng U.S. sa mga oil export ng Russia.
Sinabi rin niya na may P18 bilyon na inilaan na sa iba’t ibang programa ng P20-B na calamity fund na pwede pa ring iprayoridad para sa dagdag na subsidiya sa langis at ayuda.
Diin ni Marcos, nakaabang ang mamamayan sa mabilisang aksyon kaya dapat makabuo na ang ating pamahalaan ng komprehensibong pag-aaral, pag-isahin ang mga magkakaibang pananaw at magkasa ng pinakamagandang mga solusyon sa ating problema.