Mas mataas na tax free benefits ng mga manggagawa, isininusulong

Isinusulong ng Department of Finance (DOF)at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagtataas ng limit sa mga tax-free benefits ng mga manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor.

Alinsunod na rin ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapagaan ang pasanin ng mga taxpayer at maprotektahan ang kapakanan ng mga Pilipinong manggagawa.

Sabi ni Finance Secretary Ralph Recto, sa ilalim ng panukala ay mas lalaki ang maiuuwi ng mga empleyado at matutulungan silang maibsan ang araw-araw na gastusin, habang maliit lamang ang magiging epekto nito sa kita ng pamahalaan.

Kabilang sa mga panukalang pagbabago ang pagtaas ng non-taxable ceiling sa mga benepisyong tulad ng monetized leave, medical allowance, rice subsidy, uniform allowance, at iba pang insentibo.

Bukod dito, inatasan ni Secretary Recto ang BIR na pag-aralan ang mga posibleng exemption at pagbabawas ng withholding tax rates upang mapagaan ang pasanin ng mga nagbabayad ng buwis.

Samantala, pinagtibay rin ni Pangulong Marcos Jr. ang paninindigan ng pamahalaan para sa integridad sa tax system, kasabay ng muling pagtiyak na mananagot ang mga sangkot sa katiwalian sa mga proyekto ng flood control.

Facebook Comments