Magpapasa ang Senado ng mas matapang na resolusyon na kumukundena sa panghihimasok at pambu-bully ng China sa Pilipinas.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, ito ay parte pa rin ng naunang resolusyon ni Senator Risa Hontiveros na humihimok sa pamahalaan na iakyat sa United Nations General Assembly (UNGA) ang nasabing usapin.
Aniya, magiging bahagi ng “whereas clauses” ng resolusyon ang mga matatapang na salita na nagpapahayag ng pagkundena, pagkadismaya, at galit na nagre-reflect din sa naging resulta ng ginawang Pulse Asia survey tungkol sa pananaw ng mga Pilipino laban sa China.
Sinabi pa ni Zubiri na 95 percent ng mga senador ang nagkakaisa pagdating sa pagkundena sa aniya’y “creeping invasion” o unti-unting pagsakop ng China.
Tiwala si Zubiri na bukas si Hontiveros sa pag-amyenda sa kanyang inihaing resolusyon at hindi na kailangang maghain ng panibago.
Samantala, pagkatapos ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ng pangulo o sa susunod na Martes, July 25, ay target na pagtibayin ang resolusyon sa Mataas na Kapulungan.