Mas matatag na ugnayan ng Pilipinas at Japan, gaganap ng malaking papel para sa PDP ayon sa NEDA

Kumpiyansa ang National Economic and Development Authority (NEDA) na malaki ang gagampanang papel ng mas pinalakas at pinatatag na ugnayan ng Pilipinas at Japan sa Philippine Development Plan 2023-2028

Ito ang binigyang diin ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan kasunod ng mahigit 13 bilyong dolyar o humigit kumulang 708 bilyong pisong halaga ng mga kasunduan at pledges matapos ang pagbisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Japan.

Ayon kay Balisacan, dahil dito ay asahan nang makalilikha ito ng mahigit 24,000 trabaho na magbibigay ng mas maraming oportunidad at mapalalakas ang purchasing power ng mga Pilipino.


Paliwanag ni Balisacan na sa kabila aniya ng inaasahang global economic slowdown ngayong taon, tiyak na makapagbubukas pa ng mas magandang investment climate ang Pilipinas kung maamiyendahan ang ilang key economic liberalization laws.

Kabilang na rito, aniya, ang pag-amiyenda sa Retail Trade Liberalization Act, Foreign Investments Act, at ang Public Service Act.

Dagdag pa ni Balisacan na inaasahan ding makapagpapalakas ng ekonomiya ang nagpapatuloy na mga proyektong pang-transportasyon tulad ng North-South Commuter railway project gayundin ang Metro Manila Subway Project na inaasahang matatapos sa lalong madaling panahon.

Facebook Comments