Mas nakakahawang COVID-19 Omicron BQ.1 subvariant, posibleng magdulot ng hindi lalampas sa 5,000 na kaso kada araw

Tiwala si infectious disease expert Dr. Edsel Salvana na hindi ganun kataas ang maitatalang karagdagang kaso ng COVID-19 kada araw sa bansa.

Ito ay matapos nakapasok na sa bansa ang mas nakakahawang COVID-19 Omicron BQ.1 subvariant, kung saan nakapagtala ng 14 na kaso nito.

Sa Laging Handa public press briefing, pinaliwanag ni Dr. Salvana na ang BQ.1 ay isang anak ng BA.5 na subvariant ng Omicron at may karagdagang mutation na posibleng makadagdag din ng infection.


Gayunpaman, hindi naman aniya inaasahang malala ang magiging epekto nito sa isang indibidwal na tatamaan at posibleng hindi lalampas sa 5,000 na kaso ang maitala kada araw.

Kasunod nito, iginiit ng eksperto na malaki pa rin ang maitutulong ang pagsusuot ng facemask at pagbabakuna kontra COVID-19.

Dagdag pa ni Dr. Salvana, magiging batayan pa rin nila ang healthcare system o hospital utilization rate sa pagtaya kung mas matindi ang epekto ng BQ.1 Omicron subvariant.

Facebook Comments