Mas pinadaling proseso ng pag-aampon, sinuportahan ng isang kongresista

Hinikayat ni Northern Samar 1st District Representative Paul Daza ang mga nais mag-ampon na samantalahin ang mas pinadaling proseso ng pag-aampon.

Kasunod ito ng paglulunsad kamakalawa ng Omnibus Guidelines para sa Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act kung saan ginawang administrative proceeding na lamang ang pag-aampon.

Ito ay dahil binibigyang kapangyarihan ng Omnibus Guidelines ay ang Department of Social Welfare and Development na maglabas ng adoption creed nang hindi na kailangan pa ng court proceeding na dagdag gastos sa mga adoptive parents.


Tiwala rin si Daza na sa bagong patakaran ay makakamit din ang layunin na masigurong may ligtas at maarugang pamilyang tatanggap sa mga batang ulila, inabandon, inabuso at pinabayaan.

Binanggit ni Daza na nakapaloob din sa batas ang ‘adoption telling’ o pagtatapat na ampon ang isang bata.

Ayon kay Daza, nasa batas din ang pagbabawal sa labeling, shaming, bullying at iba pang uri ng diskriminasyon sa mga batang inampon.

Facebook Comments