Cauayan City, Isabela- Muling ipinatupad ang mas maigting na checkpoint sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya lalo na sa bayan ng Bayombong at Solano.
Bunsod ito ng biglaang pagkakaroon ng Community transmission ng COVID-19 partikular sa bayan ng Solano na ngayo’y may mahigit 100 na active cases at may tatlong (3) naitalang casualty.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kauy Governor Carlos Padilla, nagpulong na kahapon ang Provincial Task Force COVID-19 kaugnay sa sitwasyon ng Lalawigan partikular sa dalawang magakatabing bayan upang pag-usapan ang mga gagawing hakbang para mapigilan ang paglaganap ng virus.
Ibinahagi ng Gobernador na nagsimula ang pagkalat ng virus sa isang Locally Stranded Individual (LSI) na nakahawa sa pamilya hanggang sa kumalat sa komunidad.
Kaugnay nito, mayroon itong inaprubahan na resolusyon na ipinatupad para sa mga nais bumiyahe o lumabas ng probinsya kung saan ay hindi na basta makakalabas ng bayan kapag dumaan sa checkpoint lalo na sa mga Unathorized Persons Outside Residence o UPOR.
Para makabiyahe ay kinakailangang may maipakitang travel pass habang ang mga frontliners at essential workers ay kinakailangan lamang na magpakita ng Company ID o anumang katibayan na frontliner.
Humihingi naman ng pang-unawa at suporta ang Gobernador sa nasabing hakbang dahil para din aniya ito sa kaligtasan ng bawat isa.