Mas lalo pang paiigtingin ng Land Transportation Office (LTO) ang pagsasagawa ng pag-iinspeksyon sa mga terminal kasabay ng random drug tests sa mga tsuper ng Public Utility Vehicles (PUVs).
Ito’y para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero, pedestrian at ng ibang motorista.
Ang naturang hakbang ay sa ilalim ng Section 15 ng Republic Act No. 10856 o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013 kung saan ikinakasa ang nationwide random terminal inspection at quick random drug test sa PUV drivers.
Nabatid na base sa LTO’s Law Enforcement Service – Anti-Drunk and Drugged Driving Enforcement Unit (LES-ADDDEU), umaabot sa 558 road crash incidents ang naitala mula January hanggang August 2022 kung saan nitong buwan ng Agosto ang may mataas ma bilang na nasa 128 incidents.
Nasa 476 tsuper rin ang nagpostibo sa alcoholic intoxication kung saan lumalabas din sa datos na 17 ang nasawi at 281 sugatan sa mga nasabing buwan dahil sa aksidente sa kalsada.
Ang mga lisensya ng mga na-involve sa insidente na mga tsuper na positibo sa alcohol ay isinailalim sa alarma at pansamantalsg sinuspindi ng 90 araw pero depende pa ito sa magiging desisyon ng LTO.
Muling ipinapaalala ng LTO sa publiko na huwag iinom ng alak kung plano magmaneho dahil magdudulot ito ng panganib sa mga tsuper, pedestrian at kapwa tsuper na kasabay na pumapasada o bumibiyahe sa anumang kalsada.