
Inatasan ni Manila Mayor Isko Moreno ang Manila Police District na tiyakin ang full police visibility sa mga matataong lugar sa lungsod ngayong papalapit ang Kapaskuhan.
Sa naging pulong ng Manila Peace and Order Council ngayong Huwebes, ipinag-utos ng alkalde ang mahigpit na pagpapatupad ng direktiba ni Philippine National Police (PNP) Acting Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na nag-aatas ng mas maraming presensiya ng pulis sa mga pampublikong lugar.
Kabilang sa mga tututukang lugar ang Binondo, Recto, Quiapo, Ermita, Malate, at University Belt kung saan aasahan ang pagdagsa ng mga tao ngayong huling bahagi ng taon.
Dahil dito, magtatalaga ang Manila Police District (MPD) ng karagdagang tauhan at magpapatrolya nang 24 oras.
Bahagi ito ng kampanya ng lokal na pamahalaan na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod, katuwang ang pulisya, mga barangay, at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Ayon sa alkalde, layon nito na maging ligtas at payapa ang Holiday season para sa mga residente at turista ng Maynila.









