
Isinusulong ni Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies Senator Joel Villanueva ang mas pinalakas na proteksyon sa sistema ng pananalapi at paglaban sa lahat ng uri ng financial crimes sa bansa.
Sa Senate Bill 1983 na inihain ng senador, inaamyendahan dito ang Republic Act 9160 na layong bigyan ng ngipin ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) kung saan palalawakin ang saklaw ng batas at i-a-update ang parusa sa mga masasangkot sa money laundering.
Ayon kay Villanueva, kailangan na ng mas mahigpit na batas para tugisin ang mga kriminal sa kanilang mga iligal na gawain at kinakailangan na ring makatugon ng kasalukuyang batas sa nagbabagong financial landscape ng bansa.
Sa ilalim ng panukala, isasama na sa Anti-Money Laundering Act (AMLA) compliance requirements ang mga trust at company service providers, mga abogado at mga accountants na sangkot sa mga financial transactions, mga online gambling operators at mga virtual asset service providers.
Magtatakda rin ng limit sa mga cash transactions na kapag lumagpas ay maaaring silipin ng AMLC at bibigyang kapangyarihan din ang AMLC na magpa-suspend o magpa-freeze ng transaksyon.
Ang listahan ng mga krimen ng money laundering ay palalawakin kabilang na rito ang cybercrime, environmental offenses, agricultural economic sabotage, at mga krimen na may kaugnayan sa online sexual abuse and exploitation of children.










