Manila, Philippines – Iginiit ni Liberal Party o LP President Senator Kiko Pangilinan na hindi kailangang murahin at insultuhin ang kapwa natin kung hindi natin sinasangayunan ang sinasabi nito.
Reaksyon ito ni Pangilinan sa masasamang salita na pinakawalan ni Pangulong Rodrigo Duterte laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino na naglahad ng kritisisimo sa gera kontra ilegal drugs ng kasalukuyang administrasyon.
Kasabay nito ay ipinaliwanag ni Pangilinan na ang problema sa ilegal na droga ay dapat ituring na problemang pangkalusugan.
Kaya diin ni Pangilinan, ang paglalatag ng mga rehabilitation programs ang makakalutas sa suliranin sa ilegal na droga at hindi dapat daanin lang sa pagkakasa ng operasyon ng mga otoridad.
Samantala, sabi naman ni Senator Grace Poe, istilo na ni Pangulong Duterte ang pagpapakawala ng masasamang salita na posibleng gayahin ng mga bata.
Kaya paalala ni Senator Poe sa mga magulang, katulad din ng paalala ng dati niyang pinamunuan na Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB, dapat palaging gawin ang SPG o Strict Parental Guidance.
“We believe that addressing the drug problem should be viewed as primairly as health problem with the corresponding rehabilitation programs for those afflicted and not simply viewed as a law enforcement problem. Dagdag pa hindi naman kailangan murahin at insultuhin ang kapwa natin kung hindi natin sinasangayunan ang sinasabi nito” ayon kay Kiko Pangilinan.
Pahayag naman ni Sen. Grace Poe “style na niya yan diba pero di ba syempre pag ikaw ay pinapakinggan ng bata eh gagayahin. Sang ayon ba tayo dyan, syempre hindi so paalala Lang SPG.