Tinatayang aabot sa mahigit 50 million doses ng bakuna ang inaasahang masasayang para ngayong buwan ng Marso.
Sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee, kinumpirma ni Health OIC Usec. Maria Rosario Vergeire ang computation ni Committee Chairman Senator Francis Tolentino na posibleng umabot sa 50.74 million doses ang vaccine wastage sa buwan na ito.
Ito ay dahil sa natitirang inventory ng Department of Health (DOH) ukol sa mga mag-e-expire na bakuna sa mga susunod na buwan.
Sa kasalukuyang 44 million doses vaccine wastage, madadagdagan ito ngayong buwan ng 6.74 million doses na maeexpire na bakuna o 50.74 million doses sa kabuuan.
Sinabi pa ni Tolentino na mayroong 4.36 million doses ng Pfizer adult na na-expire na nitong katapusan ng Pebrero, 3 million doses naman sa Pfizer pedia na ma-e-expire ngayong Marso at Abril, 2.16 million doses ng Sinovac na ma-e-expire sa Setyembre at Oktubre at dagdag pa na 13,040 doses na Sinovac na ma-e-expire sa katapusan ng Mayo.
Sa latest na tala ng DOH, ang vaccine wastage ay nananatili pa rin sa 44 million doses o katumbas ng 17.5 % na nasayang ng bakuna.
Sa record na ito, 2.97% ang vaccine wastage sa national, 33.4% sa local government units, 44.8% sa private procurement, 13.19% sa COVax at 7.06% na nasayang na bakuna mula naman sa procurement na idinaan sa bilateral agreement.