Masbate at Romblon na lubos na naapektuhan ng Bagyong Opong, personal na pupuntahan ng DSWD

Personal na magtutungo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Masbate City at Romblon upang bisitahin ang kalagayan ng mga residente at alamin ang kanilang pangangailangan.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, bukas ay nakatakda silang bumiyahe patungo sa mga nabanggit na lugar.

Aniya, ang inisyatibang ito ay kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking matulungan at mabigyan ng pangangailangan ang lahat ng residenteng naapektuhan sa bawat lugar na dinaanan ng bagyo.

Una nang sinabi ng DSWD na umabot na sa 641,000 pamilya o katumbas ng mahigit 2.2 milyong indibidwal ang naapektuhan ng hagupit ng Bagyong Mirasol, Bagyong Nando, at Bagyong Opong sa iba’t ibang lugar sa bansa batay sa pinakahuling datos ng ahensya.

Samantala, tiniyak ng ahensya na may sapat na suplay ng quick relief food packs sa kabila ng inaasahang lima hanggang siyam na bagyo bago matapos ang taon.

Facebook Comments