Iniimbestigahan na ng pamahalaan ang dalawang insidente ng mass gathering na nangyari sa Manila at Quezon Province dahil sa posibleng paglabag sa COVID-19 safety protocols.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, nagkaroon ng boxing incident noong June 21 sa Tondo, Maynila.
Inaalam aniya kung may pagkukulang dito si Barangay 38 official Alfredo Garcia.
Lumalabas sa mga naunang ulat, nagawa namang pagsabihan ni Garcia ang mga kabataang sangkot sa insidente, pero ang mga bata ay hindi mga residente ng barangay.
Bukod dito, nagkaroon din ng insidente ng mass gathering sa Barangay Cinco, Calauag, Quezon.
Titingnan nila kung may mananagot sa insidente si Barangay Chairperson Roderick Lavarro.
Sa datos ng DILG mula June 21 hanggang 27, sinabi ni Año na 51,012 ang nahuling hindi nagsusuot ng face masks.
Mula sa nasabing bilang, 29,904 ang binigyan ng babala habang 16,778 ang pinagmulta, at 3,493 ang pinatawan ng community service.
Nasa 22 indibiduwal ang sumailalim sa inquest habang 815 ang nahaharap sa regular filing ng reklamo.
Aabot naman sa 598 ang naitalang mass gathering incidents, habang 8,617 ang lumabag sa social distancing measures.