‘Mass grave’ sa septic tank sa loob ng maximum security ng Bilibid, pinaiimbestigahan ng Senado

Pinaiimbestigahan ni Senator Francis Tolentino ang nadiskubreng ‘mass grave’ sa septic tank sa loob ng maximum security compound ng New Bilibid Prisons (NBP).

Sa inihain na Senate Resolution 709 ni Tolentino, inaaatasan nito ang Senate Committee on Justice and Human Rights na magsagawa ng imbestigasyon ‘in aid of legislation’ patungkol sa napaulat na mass grave sa septic tank ng Bilibid.

Natuklasan ang naturang mass grave nang bigyang direktiba ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang Bureau of Corrections (BuCor) na magsagawa ng search sa isang nawawalang Person Deprived of Liberty (PDL) na kinilalang si Michael Angelo Cataroja, na nahaharap sa kaso na paglabag sa Anti-Fencing Law at may nakabinbing kaso ng carnapping.


Humingi ng tulong ang BuCor sa Philippine Coast Guard (PCG) para hanapin ang nawawalang inmate dahil sa lawak na rin ng buong NBP.

Gamit ang mga cadaver dog ng PCG na specialized sa pag-detect ng bangkay ay natuklasan sa Dormitory 8 Quadrant 3 ng maximum security compound ang putol-putol na bahagi ng katawan ng tao.

Agad din namang na-relieve ang 30 security officers matapos ang pagkakatuklas sa mga parte ng katawan ng mga bilanggo sa septic tank.

Facebook Comments