Mass layoff sa Dole Philippines, pinaiimbestigahan ni Senator Hontiveros

Kinalampag ni Senator Risa Hontiveros ang Department of Labor and Employment (DOLE) para imbestigahan ang umano’y iregularidad at posibleng paglabag sa labor laws ng Dole Philippines, Inc. o Dolefil matapos nito sibakin ang 500 manggagawa.

Giit ni Hontiveros, dapat umaksyon ang DOLE dahil ngayong panahon ng pandemya ay hindi nito dapat talikuran ang mga nawalan ng hanapbuhay lalo’t may nakitang iregularidad sa retrenchment.

Sa kaniyang liham kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabi ni Hontiveros na base sa latest annual audited financial statements ng Dolefil ay lumalabas na hindi naman ito dumaranas substantial at imminent losses sa mga nakalipas na taon na syang idinalihan nito sa ginawang pagbabawas ng manggagawa.


Para kay Hontiveros, nakakaalarma rin na sa kabila ng pagreregular ng Dolefil sa 5,000 emplyeado noong 2018 bilang suporta sa kampanya ng gobyerno laban sa endo, ay nagpatuloy pa rin ito sa pagkuha ng contractual workers.

Pinuna rin ni Hontiveros na karamihan sa tinanggal ng Dolefil ay mga regular na empleyado gayundin ang paghahain nito ng notice of retrenchment noong September 18, tatlong araw matapos ang actual termination ng mga workers nito noong September 15.

Facebook Comments