Manila, Philippines – Mahigit 500 preso mula sa Quezon City Jail ang pinalaya ngayong araw sa ilalim ng 2017 National Judgment Day.
Ayon kay Quezon City Jail Warden Jail Supt. Emerlito Moral, ang nasabing hakbang ay bahagi ng decongestion program ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Pero nilinaw ni Supt. Moral ang mga preso na sasailalim sa fast track hearing ng Quezon City Regional Trial Court at Metropolitan Trial Court ay limitado lang sa mga kasong petty crimes at hindi kasama ang mga preso na may mabibigat na kaso.
Bukod sa mga inmates sa Quezon City Jail na mapapasama sa fast track hearing ay mga preso ng QC Jail Female Dorm, Metro Manila District Jail sa Taguig City at Quezon City Jail annex.
Paliwanag pa ni Moral, bahagi pa rin ng inisyatibo ng BJMP ang matulungan ang mga preso na sobra sobra na ang itinagal sa loob ng piitan dahil madalas na naantala ang pagdinig sa korte o hindi kaya ay ang kawalan na ng interes ng mga complainant na magpakita sa hearing.
Sa kasalukuyan may 3,440 preso ang nasa loob ng Quezon City Jail mas madami sa aktuwal na kapasidad nito.