Hindi pa nakikita sa ngayon ng mga opisyal ng pamahalaan ang pangangailangan na magpatupad ng mass repatriation ng mga Filipino sa Ukraine.
Ito ay kasunod na rin nang nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Sa Laging handa public press briefing, sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac na patuloy silang nakabantay at nakamonitor sa sitwasyon.
Aniya, wala pa silang natatanggap na report na nagkakaroon na ng labanan ang military forces sa Ukraine.
Sa ngayon, boluntaryo pa lamang aniya ang pag-uwi ng mga Pilipino mula sa Ukraine.
Paliwanag nito, may alok na libreng tiket sa eroplano ang Department of Foreign Affairs (DFA) para sa mga kababayan nating nais nang umuwi ng Pilipinas.
Sabi pa ni Cacdac, mayroon silang hinihintay na dalawa pang Pilipinong darating galing Ukraine habang may lima pang iba na nauna nang nakauwi noong Biyernes.
Samantala, tiniyak nito na nailipat na sa ligtas na lugar ang mga kababayan nating nananatili sa Ukraine base sa ipinatupad ng pamahalaan na in-country relocation.