Manila, Philippines – Sang-ayon ang ilang mambabatas sa mass slaughter sa mga manok na pinaghihinalaang apektado ng avian flu sa San Luis, Pampanga.
Matapos na malaman ang pagkalat ng avian flu sa mga alagang manok sa mga poultry farms sa Pampanga ay inumpisahan na ang pagpili at pagpatay sa mga manok na posibleng apektado ng sakit.
Ayon kay Negros Occidental Rep. Albee Benitez, myembro ng House Committee on Agriculture and Food, bagamat sinasabi ng Department of Agriculture at Bureau of Animal Industry na hindi naman nakakahawa sa tao ang virus, mainam na ring magdoble ingat ang publiko sa binibili at kinakaing manok.
Sa pagpatay naman sa mga manok na posibleng may avian flu virus, pabor dito si Benitez.
Aniya, mabuti na rin ang hakbang na ito kung ito naman ang ikaliligtas sa kalusugan ng publiko kesa mahuli ang lahat na mas malaking problema pa.
Nauna dito ay pinakikilos ni Mindoro Rep. Josephine Ramirez-Sato ang National Meat Inspection Service para suriin ang mga ibinebentang manok sa bawat pamilihan sa bansa.