Walang silbi ang pagpapatupad ng granular lockdown kung hindi naman nasusunod ang mga pangunahing polisya para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Ito ang iginiit ni dating National Task Force Against COVID-19 Special Adviser Dr. Tony Leachon sa harap ng muling paghihigpit matapos na tumaas muli ang naitatalang kaso ng COVID-19 kada araw.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Leachon na ‘counter intuitive’ ang planong luwagan ang community restriction sa kabila ng pagpasok ng mga bago at mas nakakahawang COVID variants.
Inihalimbawa niya ang pagbubukas ng mga sinehan at gaming arcade at pagluwag ng age restriction gayundin ng mga requirement at protocol para sa pagbiyahe.
Giit pa niya, parating nagdedesisyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) na i-relax ang restrictions dahil sa pagmamadaling buksan ang ekonomiya pero sisisihin naman ang mga tao kapag tumaas ang kaso ng COVID-19.
“Granular lockdowns will never be successful yan, useless yan kung wala kang mass testing, contact tracing at isolation quarantine,” ani Leachon.
So ang nangyayari, inip na inip na sila dahil mababa na yung ating ekonomiya, mataas na yung inflation rate, nagmamadali sila to open the economy at the time na may surge at dumating yung mga variants, bawi ka ngayon na gusto mo nang maghigpit. Who started to relax the quarantine principles? The IATF… tapos ngayon ang may kasalanan, taumbayan. So, may contradiction on the policy,” dagdag niya.
Sabi ni Leachon, habang kinokontrol at pinabababa ang COVID-19 infections dapat ay ina-upgrade din ang healthcare facility sa bansa.
Dagdag niya, hindi dapat biglaang binubuksan ang ekonomiya hangga’t walang bakuna.
“The style should be gradual tapos nakikita mong bumababa but you upgrade the LGUs capacities in terms of testing kasi wala ka pang bakuna e. as long as you don’t have the bakuna with you, limited yung supply chain natin, puro donations, hindi ka pwedeng magbukas ng ekonomiya na napakataas, babalik yan, magyo-yoyo principle yan,” saad pa ni Leachon.
Giit pa ng health expert, pumapalpak ang bansa sa pagtugon sa pandemya dahil hindi nito ginagamit ang science-based approach.