Mass testing para sa mga may sintomas, mula sa high-risk areas at mga galing abroad, inihirit ng Kamara

Iginiit ni Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite ang libreng mass testing sa mga indibidwal sa harap na rin ng paglobo ng COVID-19 cases na naitatala sa bansa araw-araw.

Sa pinakahuling Department of Health (DOH) COVID-19 case bulletin, pumalo sa 10,775 ang mga bagong kaso ng sakit na hinihinalang dahil sa mabilis na hawaan ng Omicron variant.

Binigyang diin ni Gaite na ang ipinapanawagan nilang “free mass testing” ay hindi naman nangangahulugan na lahat ng mga Pilipino ay ite-test sa COVID-19.


Sa ilalim ng isinusulong nilang mass testing ay prayoridad na masuri laban sa COVID-19 ang mga may sintomas ng sakit, mga taong may mataas na exposure sa mga positibo sa COVID-19, at iyong mga kababayang mula sa lugar na high-risk at sa abroad.

Layunin din aniya ng mass testing na matiyak na ligtas ang mga lugar na pinagtatrabahuhan at ang testing ay dapat na sagutin ng gobyerno.

Pinalalagyan din ang mga lugar ng health professionals o workers na madaling matatakbuhan ng mga tao para mabigyan sila ng payo kung kailan dapat na magpa-test.

Kinalampag din ng kongresista ang pamahalaan na sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ay laging tiyakin ang sapat na suplay ng mga bakuna.

Facebook Comments