Tinukoy ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Gov. Benjamin Diokno na mass vaccination pa rin ang solusyon sa muling pagbubukas at pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Sa unang araw ng budget hearing sa House Committee on Appropriations, aminado si Diokno na nananatiling malaking banta sa ekonomiya ang mga bagong variants ng COVID-19.
Aniya, ang Delta COVID-19 variant ay nagbabadya ng downside risk sa ekonomiya lalo na’t nasa ilalim pa rin ang maraming lugar sa mahigpit na community quarantine.
Nakadepende aniya ang economic recovery ng bansa sa vaccination program, pagiging epektibo ng mga ipinapatupad na policy support system, at pagpapalawig ng health care capacity.
Magkagayunman, ipinagmalaki naman ni Diokno na tumataas na ang inoculation o bakunahan sa bansa kaya naman ito na ang panimula para lalo pang makabangon at makapagbukas na ng tuluyan ang ekonomiya ng bansa.
Sinabi pa ni Diokno na bagama’t nakikita na nila ang mga indikasyon ng economic improvements, nananatili pa rin silang vigilant para sa anumang banta na maaaring idulot pa ng pandemya sa ating ekonomiya.