Manila, Philippines – Humihingi ng paglilinaw kay Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Federation of Sugar Workers (NFSW) kaugnay ng tinutumbok ng NBI na imbestigasyon sa Sagay massacre.
Ayon kay John Milton Lozande, secretary general ng grupo, kung ang anggulong tinututukan ng NBI ay may kinalaman sa ouster plot sa Duterte administration, dapat anilang paalisin na ng DOJ ang mga tauhan ng NBI sa Negros Island.
Dismayado rin aniya sila sa anggulo na New People’s Army (NPA) ang nasa likod ng Sagay massacre, maging sa pagpatay kay Atty. Benjamin Ramos na tumatayong abogado ng kaanak ng mga magsasakang napatay sa massacre.
Nababahala rin ang mga magsasaka sa tila pag-uugnay sa kanila at kay Atty. Ramos sa NPA.
Una nang kinumpirma ni Guevarra na may initial report na ang NBI sa kanilang ginawang imbestigasyon subalit hindi malinaw kung sino ang mga salarin sa masaker kaya ipinag-utos niya na laliman pa ang pagsisiyasat.