Para sa mga senador, hindi katanggap-tanggap at dapat agad matukoy ng Philippine National Police (PNP) at mapanagot ang mga suspek na pumatay sa siyam na sacada o sugar workers sa Hacienda Nene sa Sagay City, Negros Occidental.
Diin ni Senator Nancy Binay, nakakagalit ang nangyari at wala itong puwang sa isang sibilisadong lipunan lalo pa at apat sa mga biktima ay babae at dalawa ay menor de edad.
Umaasa naman si Senator Juan Miguel Zubiri na makakatulong sa pagresolba ng kaso ang pangakong kooperasyon ng may-ari ng lupain kung saan naganap ang krimen at ang pabuyang ibibigay ni Gov. Marañon at ng kanyang anak na alkalde ng Sagay City sa makakapagtuturo sa mga salarin.
Ikinalungkot ni Senator Grace Poe ang insidente kaakibat ang diin na dapat mabigyan ng proteksyon ang mga magsasaka katulad ng mga biktima.
Giit naman ni Senator JV Ejercito sa liderato ng pambansang pulisya, gawin ang lahat para agad mabilanggo ang mga utak-demonyong kriminal na umatake sa mga magsasaka bago sila makapambiktima pa ng iba.
Para naman kay Senator Leila De Lima, ang insidente ay nagpapakita ng kabiguan ng agrarian reform program ng pamahalaan na maiangat ang buhay ng mga maralitang magsasaka.
Kaugnay nito ay umapela naman si Senator Risa Hontiveros sa pamahalaan na magpatupad ng law and order sa buong bansa na nakasandig sa prinsipyo ng karapatang-pantao at rule of law.