Nangangamba ang grupo ng mga guro na humantong sa pagsasara ng maliliit na private school at pagbabawas ng mga empleyado ang mababang enrollment figure para sa darating na pasukan.
Noong nakaraang taon, 4.3 milyong mga mag-aaral ang nakapagrehistro sa mga private school.
Habang batay sa datos ng Department of Education (DepEd), mahigit 10.4 million learners na sa buong bansa ang nakapag-enrol hanggang noong Biyernes kung saan 318,930 lang dito ang nagpalista sa mga private school.
Ayon kay Raymond Basilio, Secretary General ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), kapag nagpatuloy na mababa ang enrollment turnout, posibleng magresulta ito ng pagsasara ng libu-libong eskwelahan lalo na ang maliliit na hindi kayang makapagpatuloy ng operasyon dahil sa kakulangan ng sapat na pondo mula sa tuition at iba pang miscellaneous fees.
Kung magkataon, maraming education workers din ang maaaring mawalan ng trabaho.
Matatandaang sinabi ng Coordinating Council of Private Education Associations na nasa 2 milyong private school students ang inaasahang lilipat sa mga pampublikong eskwelahan o kaya’y titigil muna sa pag-aaral matapos na mawalan ng kita ang mga magulang nito bunsod ng pandemya.
Dahil dito, umapela ang grupo sa gobyerno na magbigay ng subsidiya sa mga pribadong paaralan para maingatan ang kanilang mga empleyado.
Ayon naman kay DepEd Secretary Leonor Briones, nakikipag-usap na siya sa mga opisyal ng gobyerno para magbigay ng financial assistance sa mga guro sa maliliit na private school.